Hangad ng bagong aklat ng pambansang alagad ng sining para sa literatura na si Virgilio Almario na matulungan na maibalik at maalala ang mahalagang alaala ng bansa na humubog sa pambansang identidad ng Pilipinas.
Itinatampok ng aklat na,”Bakit Kailangan Natin si Pedro Bucaneg?”, ang ilang mga sanaysay tungkol sa intangible cultural heritage (ICH) ng Pilipinas.
“In reclaiming national memory, it is necessary to raise public awareness about and promote knowledge of ICH and its importance,” pahayag ni Roy Rene Cagalingan, senior language researcher ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na pinamumunuan ni Almario.
Ayon kay Cagalingan, ang naisasaling wika, katutubong literatura at tradisyon mula sa isang henerasyon patungo sa bagong henerasyon ay bahagi ng ICH.
Sa Sabado, nakatakdang ilunsad ang bagong aklat ni Almario sa Vargas Museum ng University of the Philippines, Diliman sa Marso 16, 3:30 ng hapon.
Kabilang sa mga yamang bahagi ng ICH ng bansa ay ang epikong “Biag ni Lam-ang” ng Pilipinong makata, si Pedro Bucaneg.
Ipinanganak na bulag noong 1592, tinaguriang Ama ng Ilokanong Literatura si Bucaneg. Taong 1630 nang ito ay yumao.
Ayon ay Cagalingan, patuloy ang pagsisikap ng pampubliko at pribadong sektor upang makatulong protektahan at i-preserba ang minanang kultura ng bansa sa pamamagitan proteksiyon at preserbasyon na pangunahing nakatuon sa “tangible cultural heritage.”
“Many aspects of our ICH remain unknown to the public,”aniya, kasabay ng pagsasabing isinusulong ng aklat ang ICH ng Pilipinas upang makatulong na muli nitong makuha ang pambansang alaala.
Dagdag pa ni Cagalingan, maaaring makapag-ambag ang mga paaralan sa buong bansa tungo sa pagkamit ng pambansang identidad sa pamamagitan ng paggamit sa aklat bilang isang dagdag na materyales sa pagbasa para sa mga mag-aaral.
PNA