Patuloy na makararanas ang mga customer ng Manila Water ng tutulo-tulo hanggang sa wala talagang supply ng tubig sa buong summer season dahil sa El Niño, habang sa ngayon ay wala pang ganitong problema ang mga sineserbisyuhan ng Maynilad.
Sinabi ni Dittie Galang, Manila Water head of planning and tactical development corporate communications, sa isang panayam sa telepono na dahil sa El Niño, magpapatupad ang kumpanya ng “operational adjustments” sa pagsu-supply sa mga customer nito.
“We will implement [scheduled water service interruptions] until summer months. That will be up to June or when the rainy season begins,” ani Galang.
Ilang linggo na ang nakalipas nang ideklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kasalukuyan nang nararanasan sa bansa ang El Niño, na nagsimula noong huling bahagi ng 2018.
Dahil dito, magiging bihira ang ulan sa bansa simula Abril hanggang Hunyo.
Kinumpirma ngayong Lunes ng PAGASA na nasa critical level na ang La Mesa Dam, habang marami pang supply ang Angat Dam at Ipo Dam.
Dumadanas ng manaka-nakang water interruption ang Mandaluyong City, Pasig City, at San Juan City, gayundin ang ilang bahagi ng Maynila, Quezon City, Makati, Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon.
Apektado rin ang Bacoor City, Imus City, Kawit, Noveleta, at Rosario sa Cavite.
-Madelaine B. Miraflor