Umabot na ngayong Lunes sa critical level na 68.93 metro ang La Mesa Dam sa Quezon City, kapos lang ng 0.18 metro para sa record-low nitong 68.75 metro noong 1998.
Ayon kay Ailene Abelardo, hydrologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naabot na ng dam ang 69-metrong critical low water level nito ngayong Lunes ng umaga.
Bandang 6:00 ng umaga nang masukat ang 68.93 metrong tubig sa dam, na nasa 69.02 metro na nitong Linggo. Ang normal level nito ay 80.15 metro.
Ang kawalan ng ulan ang isa sa mga pangunahing epekto ng El Niño, na kasalukuyang nararanasan sa bansa.
Dahil nasa critical level na ang tubig sa La Mesa, sinabi ni Abelardo na “there will be a limited” water source sa ilang consumers sa Metro Manila.
Gayunman, ang water level sa Angat Dam, na nagsu-supply sa 97 porsiyento ng tubig sa Metro Manila at irigasyon para sa 27,000 ektarya ng taniman sa Bulacan at Pampanga, ay “still high”, ayon kay Abelardo.
Ngayong araw, ang tubig sa Angat Dam ay nasa 200.59 metro, mas mataas sa low water level nitong 180 metro.
Sinabi naman ni Lanie Bitagun, PAGASA weather specialist, na napakababa ng tyansang ulanin ang Metro Manila, Luzon at Visayas bukas.
Kaugnay nito, tiniyak ng Malacañang na magpapatupad ng mga hakbangin ang gobyerno upang masolusyunan ang problema.
“Yes we will respond to that. Pero ang problema ata yung tubig manggagaling sa langit. Walang ulan. Pag walang ulan paano? Baka mag-aantay tayo,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Sinabi ni Panelo na hinihintay na lang ang direktiba ni Pangulong Duterte kaugnay ng problema.
Aniya, isa sa nakikitang solusyon ay ang cloud seeding para magkaroon ng artipisyal na ulan, partikular sa bahagi ng mga dam.
Isa rin ay ang pagkakaroon ng mas malawak na information dissemination kaugnay ng oras na mawawalan ng supply ng tubig, at schedule ng pagrarasyon sa mga apektadong lugar.
Matatandaang nagreklamo ang maraming consumer ng Manila Water sa biglaan at hindi inihayag na water interruption simula nitong Biyernes.
Humingi na ng paumanhin sa insidente ang Manila Water.
-Ellalyn Ruiz at Beth Camia