Sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang isang alkalde ng Batangas dahil sa hindi naipaalam na biyahe nito patungong Estados Unidos, nitong nakaraang taon.
Kasong grave misconduct at gross ignorance of the law ang iniharap sa anti-graft agency laban kay San Pascual, Batangas Mayor Roanna Dinglasan Conti ng Batangas bunsod na rin ng balikan na biyahe nito sa US kahit hindi ipinaalam sa konseho ng naturang bayan.
Mismong si Vice Mayor Antonio Arguelles Dimayuga ang nagharap ng reklamo kung saan kasama sa idinemand nito si Ronaldo Gonzales Jr., hepe ng Human Resources Management Office at officer-in-charge administrator ng local government unit, dahil sa sabwatan ng mga ito.
Nabisto ang biyahe ng alkalde, noong Disyembre 20, 2018 hanggang Enero 5, 2019, kasama ang asawang si Nicasio "Nick" Conti at mga anak, nang mai-post sa social media ang kanilang mga litratong kinunan sa Amerika.
Binanggit ni Dimayuga, dapat sana ay itinalaga siya ni Conti bilang interim mayor habang nasa bakasyon ito.
-Czarina Nicole Ong Ki