Nakagugulat ang biglaang pagpanaw ng komedyanteng si Chokoleit nitong Sabado ng gabi—at nagbitiw pa siya ng nakakikilabot na last words sa kanyang audience sa Abra.

Si Chokoleit sa huli niyang pagtatanghal sa Bangued, Abra nitong Sabado ng gabi.

Si Chokoleit sa huli niyang pagtatanghal sa Bangued, Abra nitong Sabado ng gabi.

Ibiniyahe pabalik sa Maynila ngayong Linggo ng umaga ang labi ng komedyanteng si Chokoleit makaraang pumanaw pagkatapos niyang magtanghal sa Kawayan Festival ng Abra sa bayan ng Bangued nitong Sabado ng gabi.

Kinumpirma ng Star Magic nitong Sabado ng gabi ang pagpanaw ni Chokoleit, 46, Jonathan Aguilar Garcia ang tunay na pangalan, makaraang isugod sa ospital ilang segundo matapos siyang magtanghal sa Abra Sports Complex sa Bangued, ayon sa media reports.

Tsika at Intriga

Habang si Maris namundok: Anthony, pumarty kasama ang Incognito stars

Sa mga video niya na naka-upload ngayon sa YouTube, makikitang nahihirapang huminga ang komedyante habang nagpapatawa sa entablado, at inawit pa niya ang ‘Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko’ at 'Kahit Ayaw Mo Na', ayon sa media reports.

Sa social media, bumaha ang mensahe ng pakikiramay at pagluluksa ng ilang celebrities para kay Chokoleit, kabilang na ang kina Vice Ganda, Ogie Diaz, at Paulo Avelino.

Sa post naman ni Carl Guevarra, miyembro ng bandang The Juans na naunang magtanghal bago si Chokoleit, sinabi niyang halata na nahihirapang huminga ang komedyante sa buong panahon na nasa entablado ito.

“‪Unbelievable. Chokoleit performed right after our set and we witnessed how he struggled through the entire performance. The ambulance rushed him to the hospital in Vigan but now we were informed he didn't make it and passed away. We are all in shock. Prayers to all his loved ones. ‬RIP,” post ni Carl.

Sa mahigit tatlong minutong video ng huling performance ni Chokoleit sa nasabing event, isang mistulang premonition ang kanyang nabanggit habang kinakausap niya ang crowd kung bakit siya ang nauna sa mga celebrities na magtatanghal ng gabing iyon.

“Maganda ba ako sa malayo?! Lipat kayo dun,” nakangiting sabi ni Chokoleit sa crowd. “Akala n’yo! Mali ang hula n’yo, ‘no?! Ang ganda ng... introduction—isa sa may pinakamagandang mukha.

“Akala, nagkamali kayong lahat. Siyempre, ako ang mauuna! Kasi kung ako huli, baka hindi ko na kayo abutan!”

Napaulat na bukod sa banda ni Carl at kay Chokoleit, guests din sa event ng gabing iyon sina Coleen Garcia, Enchong Dee, Paulo Avelino, JM de Guzman, Ryza Cenon, at Pops Fernandez.

Napanood si Chokoleit sa mga pelikulang 'ZsaZsa Zaturnnah Ze Moveeh', 'Volta', at 'Fantastica'.

Nabigyan din siya ng role sa mga Kapamilya teleserye, tulad ng 'Ang Probinsyano' at 'Mara Clara', ngunit pinakaprominente ang ginampanan niyang karakter sa telefantasyang 'Marina' noong 2014.

Batay sa reports, inatake ng pulmonary edema at sakit sa puso si Chokoleit, at ito ang kanyang ikinasawi.

Jet Navarro-Hitosis at Dianara T. Alegre