TALAVERA, Nueva Ecija – Dalawa ang nasugatan, kabilang ang isang piloto, nang bumagsak ang sinasakyan nilang 2-seater Cessna plane sa palayan sa Barangay Homestead 2, Talavera, Nueva Ecija, kahapon ng umaga.

(PLANE CRASH) DSC_4404

Ayon kay Talavera Police commander, Supt. Alexie Desamito, agad na isinugod sa Talavera General Hospital sina Boni Sorgon, 31, flight instructor, ng Bgy. Libsong, Lingayen, Pangasinan, at Aria Thalia Zeth Limpin, student-pilot, ng Bayan Luma 5, Cavite.

Ipinaliwanag ni Desamito, pabalik na sana ang eroplano sa Lingayen, Pangasinan mula sa Cabanatuan City nang biglang pumalya ang makina nito sa himpapawid.

National

Paglilipat ng sako-sakong NFA rice sa Visayas, ipinag-utos na ng DA

Sa panayam sa isang testigong magsasaka na si Rommel Torejas, 26, nakita niya mismo ang pangyayari nang bisitahin nito ang kanyang palayan.

“Narinig ko po na parang pumupugak ‘yung engine, tapos umikot muna nang dalawang beses sa himpapawid tapos dahan-dahang bumaba. Bumaliktad na lang po ‘yung eroplano nang nakababa na, dahil na lang siguro sa kapal ng putik," paglalahad nito.

Ang nasabing eroplano ay pag-aari ng Flyfast Aviation School sa Lingayen, ayon kay Desamito.

Pansamantala munang isinara ng mga awtoridad ang lugar na pinangyarihan ng insidente dahil sa posibleng gas leak.

-Ariel P. Avendaño