SA kuwentong umere sa Playhouse, tuluyan nang iniwan ni Doc Harold (Carlo Aquino) si Patty (Angelica Panganiban), dahil napagod na siyang maghintay kung sasagutin pa siya nito o hindi na.
Abala kasi si Patty sa problema kay Robin (JJ Quilantang), dahil may plano si Peter (Ivan Padilla) sa kayamanan ng bata.
Parang sa totoong buhay na ang nangyari kina Angelica at Carlo, dahil finally ay umamin na si Carlo, sa panayam sa kanya ng TV Patrol, na totoong may non-showbiz girl siyang idine-date at nananatili silang magkaibigan lang ng ex-girlfriend niyang si Angelica.
Pero ang pagkakaiba, sa tunay na buhay ay umasa si Angelica na babalikan siya ni Carlo, pero nauwi sa wala ang lahat. Gaya ng ending ng mga karakter nila sa Playhouse, umalis na rin si Carlo sa buhay ni Angelica.
Sa Playhouse, hindi alam ni Doc Harold na nalungkot si Patty sa pag-alis niya patungong Singapore, dahil nga plano naman talaga ng huli na sagutin ang doktor, kaso inuuna muna niyang ayusin ang problema niya sa batang inihabilin sa kanya ng kaibigang si Emily (Denise Laurel).
Kaya naman nalulungkot ngayon ang CarGel, dahil hindi na nila napapanood sa pang-umagang serye si Carlo.
Anyway, base sa umereng episode nitong nakaraang linggo, galit na galit ang business partner ni Peter na si Francis na tagabenta niya ng lupa dahil niloko rin siya, kaya ibinuking ng huli kay Patty na plano nitong patayin sina Natalia (Maxene Magalona) at Justin sa pagpunta nila sa Batangas para magbakasyon.
Kaya natataranta ngayon sina Patty at Marlon (Zanjoe Marudo), na hindi naman maintindihan ni Lea (Isabelle Daza), dahil panay ang sabi niya na haka-haka lang ni Patty ang nasabing hinala.
Nagkasagutan sina Patty at Lea kaya naipit si Marlon, dahil parehong mahalaga sa kanya ang ex-wife at future wife niya.
Anyway, nakarating na sa bahay na pagbabakasyunan nila sina Peter, Natalia at Robin, na ramdam ng huli na may plano silang gawan ng masama ng una.
Base sa teaser na mapapanood bukas, Marso 4, ikinulong ni Peter sina Natalia at Robin kaya naghihintay sila ng pagkakataong makatakas.
Samantala, nitong nakaraang linggo ay umere na ang bagong katapat ng Playhouse, ang Hiram na Anak, pero hindi umubra ang huli sa ratings game. Simula Lunes hanggang Huwebes ay talo ang GMA show, na pinagungunahan nina Yasmien Kurdi, Leanne Bautista, at Dion Ignacio.
Ang nakuha naming figures, base sa Kantar Media, simula Lunes (Pebrero 25)- 15.3% vs 8.6% (National), 19.1% vs 5.1% (Metro Manila); Martes (Pebrero 26) – 14.3% vs 7% (National), 14.9% vs 5 (Metro Manila); Miyerkules (Pebrero 27) – 14.5% vs 7% (National), 16.6% vs 5.5% (Metro Manila at Huwebes (Pebrero 28) – 13.6% vs 8.6% (National), 13.8% vs 5.5% (Metro Manila).
Sa natitirang tatlong linggo ng Playhouse, makasingit kaya ang Hiram Na Anak sa ratings game?
-Reggee Bonoan