Natimbog ng mga awtoridad ang anim na Chinese matapos umanong dukutin ang isa nilang kababayan sa Calamba City, Laguna, nitong Sabado ng gabi.
Sa report ni Laguna Provincial Police Office (LPPO) director, Supt. Eleazar Matta, nakilala ang mga suspek na sina Xin Wang, Sun Qing Ji, Hong Zhong Ah, Yan Ben, Zhao Da Hai, at Si Cuan, pawang miyembro umano ng loan shark syndicate na nagpapautang sa mga Chinese tourist upang magsugal sa casino.
Hindi muna isinapubliko ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na nailigtas sa anim na suspek.
Sa rekord ng kaso, dinukot ng mga suspek ang biktima sa nasabing lungsod at dinala ito sa isang resort sa Barangay Pansol sa naturang siyudad, nitong Pebrero 27.
Sa pahayag ni Matta, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng pagdukot sa nasabing Intsik na humihingi ng tulong sa mga awtoridad.
Kaagad na sinalakay ng mga awtoridad ang resort na nagresulta sa pagkakadakip ng anim na suspek at ikinasagip din ng biktima.
Sinabi nito, modus operandi umano ng sindikato na magpautang sa mga kapwa Chinese.
Kapag hindi umano nakababayad ay mangingidnap na sila at hihingi ng ransom sa mga kaanak ng kanilang biktima.
Ayon pa kay Matta, marami na ang naging biktima ng sindikato na patuloy pa rin nilang iniimbestigahan.
Ang anim na suspek ay nakatakdang kasuhan ng kidnapping sa Laguna Provincial Prosecutor’s Office.
-Fer Taboy