Inaresto ang walong Chinese dahil sa pagkakasangkot umano sa illegal online gambling sa Makati City, nitong Huwebes.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Li Chenchen, Hong Yu, Cai Jain, Lei Chijin, Xiong Yaowui, Lin Yufei, Peng Cun at Li Hui Min, pawang nasa hustong gulang.
Ayon sa NCRPO chief, sinalakay ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit, Anti-Cyber Crime Group at Bureau of Immigration, sa koordinasyon ng Makati City Police, bitbit ang isang search warrant na inisyu ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 56, ang isang bahay sa No. 22A Briones Street, Barangay San Lorenzo, sa Makati City, dakong 10:00 ng gabi.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang NCRPO mula sa isang concerned citizen kaugnay ng mga dayuhang nag-o-operate umano ng illegal online gambling sa lugar.
Bineripika ng awtoridad ang lugar sa Makati Business Processing Permit Office at Philippine Amusement and Gaming Corporation, at natuklasang hindi ito accredited at nakalista sa Philippine Offshore Gaming Operators.
Sa tulong ng police asset, nabisto ang ilegal na gawain ng mga suspek at pinagdadakma, at nakumpiska ang mga desktop computer, laptop, modem, router, cell phone, at passport.
"Cooperation between the police and the community para ma-prevent natin, hindi pa dumami itong mga ganito. Kapag nalalaman naman siguro nitong mga associated and connected with these syndicates that the authorities are running after them at nagko-cooperate ang ating mga kababayan ay madadala sila at hindi na mag-a-attempt pa," ani Eleazar.
Ang mga dayuhan ay nasa kustodiya ng NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan sa Taguig City, at kakasuhan sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
-Bella Gamotea