INANGKIN ng Jose Rizal University ang korona ng NCAA 3x3 basketball 18-under sa ikalawang sunod na taon matapos magwagi ang JRU-A kontra San Beda-A sa finals, 21-19, kamakailan sa JRU gym sa Mandaluyong.

Winalis nina Light Bombers Frederick Ganut, Jan Gabriel Salazar, Keith Anders Salih at Jan Benjamin Sy lahat ng kanilang limang laro kabilang na ang semifinals match kontra Letran-B, 20-16.

Tinalo naman ng San Beda-A ang kanilang Team B, 21-19 sa semis para umabot ng championship.

Sa labanan naman para sa third place, nanaig ang Squires’ B ,21-19 kontra Red Cubs’ B.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Samantala sa 15-under division, nagkampeon ang Red Cubs- A team nina Nicael Cabañero, Prince Alao, Antonio Lledo at Kim Luardo, matapos gapiin ang kanilang Team B, 21-16, sa all-San Beda finale.

Naunang tinalo ng San Beda-A ang JRU-A, 18-11, sa semifinals upang maitakda ang duwelo nila ng San Beda-B na namayani naman sa Emilio Aguinaldo College-A, 21-18.

Tinalo naman ng Brigadiers’ A ang Light Bombers’ A , 22-11, para makamit ang ikatlong puwesto.

Inilunsad bilang special event noong isang taon, inaasahang posibleng maging regular event ito sa mga susunod na taon.

Ang 3x3 ay bahagi ng pagtulong ng liga sa Samahang Basketbol ng Pilipinas grassroots development program at pagpapalaganap ng sport ayon kay NCAA Management Committee representative at JRU Athletic Director Paul Supan.

-Marivic Awitan