Pinabulaanan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kumakalat na ulat na mababawasan ang bilang ng mga estasyon ng ginagawang MRT-7.
Sa isang pahayag, nilinaw ng ahensya na nananatiling hanggang 14 estasyon ang nabanggit na linya ng MRT, at hindi totoong aalisin na ang estasyon sa City of San Jose Del Monte, Bulacan.
“The MRT-7 project will still operate with 14 stations, contrary to circulating reports that only 13 stations will push through.”
Binigyang-diin din ng DOTr na hindi inalis sa proyekto ang San Jose del Monte (SJDM) Station.
“The San Jose del Monte (SJDM) Station remains part of the MRT-7 project and has not been removed from the approved alignment,” ayon sa ahensya.
Ayon pa sa DOTr, nakatakda pa ring simulan ang operasyon ng unang 12 istasyon ng MRT-7, mula Sacred Heart hanggang North Avenue, sa ikalawang quarter ng 2027.
“The DOTr remains on track to commence operations of the initial 12 stations (Sacred Heart to North Avenue) of MRT-7 by the second quarter of 2027,” saad ng ahensya.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pabilisin ang implementasyon ng mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga commuter.
Samantala, sinabi rin ng DOTr na ang Tala at San Jose del Monte stations ay hindi nakansela at inaasahang matatapos sa mga susunod na taon.
“Meanwhile, the Tala and SJDM stations are expected to be completed and opened to the riding public in 2028,” ayon sa pahayag.
Dahil dito, tiniyak ng DOTr sa publiko, lalo na sa mga residente ng Caloocan City at Bulacan, na mananatiling bahagi ng MRT-7 project ang SJDM Station at tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng buong linya ng tren.