May 31, 2026

Home BALITA

Babaeng jinowa pinsan niyang lalaki, natagpuang patay sa irrigation canal

Babaeng jinowa pinsan niyang lalaki, natagpuang patay sa irrigation canal
Photo courtesy: Unsplash

Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos umanong paslangin ang kaniyang 21-anyos na pinsan at itapon ang bangkay nito sa isang irrigation canal sa Barangay Malasin, San Jose City, Nueva Ecija. 

Natagpuan ang katawan ng biktima, na kinilala lamang sa alyas na “Cristine,” dakong 2:00 ng madaling araw noong Mayo 30 nang mapansin ito ng dalawang indibidwal na nagja-jogging sa lugar.

Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan ng mga awtoridad na nagtamo ng matinding pinsala sa likurang bahagi ng ulo ang biktima, na hinihinalang dulot ng paghampas gamit ang isang matigas na bagay.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at sinuri ang mga kuha ng CCTV camera sa lugar. Mula rito, natunton nila ang huling mga galaw ng biktima bago siya natagpuang patay.

Lumitaw sa imbestigasyon na bago ang insidente ay nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kaniyang nobyo, isa pang kamag-anak, at ang suspek na kalauna'y inaresto ng mga awtoridad.

'Game ako diyan!' Trillanes, handang batukan si Sen. Marcoleta

Ayon sa pulisya, makikita sa CCTV footage na magkasamang umalis sakay ng motorsiklo ang biktima at ang suspek upang bumili umano ng pagkain. Gayunman, bumalik umano ang lalaki nang mag-isa.

Dahil dito, mas lalo pang tumuon ang imbestigasyon sa suspek hanggang sa tuluyan siyang maaresto.

Sa isinagawang interogasyon, sinabi ng pulisya na inamin umano ng suspek ang krimen at itinuro ang selos bilang dahilan ng pagpatay.

Lumabas din sa kaniyang pahayag na nagkaroon umano sila noon ng romantikong relasyon ng biktima sa kabila ng pagiging magpinsang buo nila.

Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang iba pang detalye ng insidente habang inihahanda ang kasong murder laban sa suspek.

Samantala, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na agad iulat ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng mga katulad na krimen upang mapabilis ang paghahatid ng hustisya sa mga biktima at kanilang mga pamilya.