Dinampot ng mga barangay tanod ang umano’y babaeng kidnapper nang tangkain umanong tangayin ang isang 10-anyos na babae sa Parañaque City, nitong Martes.
Nasa kustodiya ng Parañaque City Police headquarters ang suspek na si Lilibeth Bastamante y Entena, 47, ng Manuyo Uno, Las Piñas City.
Sa naantalang ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa labas ng bahay ng bata, bandang 11:30 ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan umano ni Bastamante ang bata at tinanong kung may alam itong pinakamalayong tindahan sa kanilang lugar at nagpasama sa bata.
Sumagot umano ang bata na malayo ito mula sa kanilang bahay at tumangging sumama sa suspek dahil mahigpit ang bilin ng kanyang ina na huwag sasama sa hindi kakilala.
Subalit bigla umanong hinawakan ni Bastamante ang kamay ng biktima at puwersahang hinila.
Dahil sa takot, umiyak ang biktima, ngunit patuloy pa rin umanong hinila ng suspek.
Isang kapitbahay ng biktima ang nakapansin kaya iniwan ng suspek ang bata.
Nagsumbong ang biktima sa kanyang kapitbahay at humingi ng tulong sa mga tanod hanggang sa dinampot si Bastamante.
Umamin umano ang suspek na ibinibenta nila ang mga bata para isadlak sa cybersex.
Mahaharap ang suspek sa kasong attempted human trafficking in relation to RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).
-Bella Gamotea