MAHIGIT 30,000 volunteers ang nakiisa sa “Peace Congress 2019” sa Peace Festival at Volunteer Individuals for Peace (VIP), na bahagi ng pagsisikap na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad, na ginanap sa Philippines Sports Stadium sa Ciudad de Victoria nitong Biyernes.

Isinakatuparan ang programa, na may temang “We are One for Peace to Attain Sustainable Development,” sa inisyatibo ng Heavenly Culture, World Peace Restoration of Life (HWPL) at Commission on Higher Education (CHED).

Dumalo si Governor Wilhelmino Sy-Alvarado sa pagdiriwang kung saan libu-libong delegado, mula sa iba’t ibang state universities and colleges (SUCs), ang nakiisa para sa 30th World Peace Tour, isang nationwide peace movement na binubuo ng mga kinatawan ng Pilipinas at mga international peace activists.

Isinagawa rin sa festival ang paglagda sa isang memorandum of agreement (MOA) para sa pagtutulungan ng VIP at HWPL, na pinangunahan nina CHED Commissioner Ronald Adamat, HWPL chairperson Man Hee Lee at mga miyembro ng Bulacan Press Club Inc. sa katauhan ni Erick Silverio, ng The Manila Times. Sinundan din ito ng paglagda sa Philippine Peace Declaration.

Isang pulong-balitaan din ang idinaos nitong Huwebes, kung saan nagtalaga si HWPL chairperson Hee Lee ng 20 miyembro ng mamamahayag, na karamihan ay nakabase sa Bulacan, bilang mga miyembro ng HWPL media publicity ambassadors.

Kabilang sa mga nakiisa sa pagdiriwang ang mga opisyal ng pamahalaan, mga lider ng relihiyon, mamamahayag, estudyante at faculty mula sa Central Luzon’s SUCs, kababaihan at youth organizations, na may iisang interes sa pagkamit ng kapayapaan ng mundo at pagwawakas ng mga digmaan.

“The highlight of this peace event is to give inspiration of citizen participation in peace building. Cultural performances will represent harmony under peace beyond differences in ethnicity, religion or nationality. Also, the principles of peace-building with civic participation and national support will be introduced - the Declaration of Peace and Cessation of War (DPCW),” pahayag ni Ian Seo, general director, Department of Public Relations ng HWPL.

Noong Enero 2018, lumagda sa isang MOA ang CHED at HWPL, na nagsusulong ng peace education sa lahat ng mga pampublikong kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.

“Promoting peace education through the CHED will affect many Philippine educational institutions and play a crucial role in promoting peace in the Philippines,” aniya.

Ang HWPL ay isang Seoul-based international non-governmental organization (NGO), na nasa ilalim ng United Nations Economic and Social Council.

Tumutulong ang NGO sa pagsusulong ng peace building sa pamamagitan ng international law, pagtutugma sa relihiyon at peace education.

Simula nang maitatag noong 2013, lumago na ang HWPL sa usapin ng mga kasapi at impluwensiya sa buong mundo.

PNA