Muling inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pari na umano’y minolestiya ang nasa 50 katao, na karamihan ay batang altar boys na nasa edad pito, sa Taguig City kahapon, matapos na maghain ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng limang warrants of arrest laban sa kanya para magkakahiwalay na kaso.

(photo by ali vicoy)

(photo by ali vicoy)

Hinainan ng limang arrest warrants ng mga elemento ng NCRPO-Regional Special Operations Unit (RSOU), BI-Fugitive Search Unit at US Department of Homeland Security si Father Kenneth Pius Hendricks, nasa hustong gulang, American Roman Catholic priest.

Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, Disyembre 5, 2018 unang inaresto si Hendricks nang ihain sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ni Stephanie Bowman, Cincinnati, Ohio district's US magistrate judge.

61-anyos na OFW, natagpuang patay sa bahay ng employer

Ang arrest warrant ay base sa kasong inihain laban kay Hendricks para sa "engaging in illicit sex with a minor in a foreign country," na may parusang 30 taong pagkakakulong.

Inihain naman ng mga operatiba ng NCRPO ang arrest warrants sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, bandang 11:00 ng umaga.

Ang arrest warrants na inihain ng NCRPO ay dalawa para sa kasong kriminal para sa acts of lasciviousness in relation to violation of Section 5 (b) of Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law, na inisyu ni Constantino Esber, acting presiding judge ng Eight Judicial Region Regional Trial Court, Branch 16 sa Naval, Biliran; at tatlong kasong kriminal sa paglabag sa Section 5(a) of RA 7610.

Nakasaad sa Section 5(a) ng Anti-Child Abuse Law ang paglabag na ginawa ng mga indibiduwal na "engage in or promote, facilitate or induce child prostitution."

Samantala, nakasaad sa Section 5(b) ang paglabag ng mga "commit the act of sexual intercourse of lascivious conduct with a child exploited in prostitution or subject to other sexual abuse."

Ayon sa awtoridad, dumating si Hendricks sa bansa mula Cincinnati, Ohio, USA noong 1968.

Siya ay inordinahan bilang pari sa Franciscan order at sinanay ang kanyang bokasyon sa St. Isidore the Worker Chapel sa Talustosan Village, Biliran.

Sa kabuuan ng kanyang bokasyon, sinabi ng pulis na minolestiya ng Franciscan na pari ang 50 indibiduwal, kabilang ang 7-anyos na altar boys sa Biliran chapel.

"Para sa atin, wala tayong sinisino. Kahit sinong magviolate ng anumang batas, kailangan natin i-enforce ang batas natin. Sa atin, whether saan mang sektor o organisasyon na kabilang, as long as nagkaroon ng violation sa batas at may warrant of arrest, huhulihin natin," sabi Eleazar.

"This is actually a testament to the truism that the long arms of the law will always come up with criminals. Pwedeng natagalan ito for Hendricks to be arrested, it can transcend borders of countries, but at the end of the day, he is where he should be -- in jail," dagdag ni Eleazar.

Tumanggi si Hendricks na magbigay ng komento sa mga alegasyon laban sa kanya.

Dinala si Hendricks sa NCRPO headquarters kung saan siya pansamantalang ikukulong habang nililitis ang kanyang mga kaso.

Samantala, ang limang arrest warrants ay ibabalik sa court of origin.

-Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea