Lumutang ang posibilidad na maghaharap-harap sa presidential elections sina Vice President Leni Robredo, Senator Grace Poe, at Davao City Mayor Sara Duterte sa 2022—pero kung humirit ng deadline ang alkalde para makapagdesisyon, tumanggi naman sina Robredo at Poe sa nasabing posibilidad.

(PHILIPPINES-POLITICS/ROBREDO       REUTERS/Ezra Acayan)

(PHILIPPINES-POLITICS/ROBREDO REUTERS/Ezra Acayan)

Sa isang panayam sa San Fernando, Pampanga, itinanggi ng Bise Presidente na may plano siya sa ngayon na kumandidato para sa panguluhan sa 2022 laban sa alkaldeng anak ng Pangulo.

Ito ay makaraang nagpahaging si dating Pampanga Gov. Among Ed Panlilio na posibleng kumandidato rin sa pagkapresidente si Robredo.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

“Iyong pagiging pangulo, destiny iyon. Iyong kasaysayan natin, nagpapakita na hindi ito napapaghandaan. Maraming nagbalak, pero kapag para sa iyo ito, magiging sa iyo. Kapag hindi talaga ito para sa iyo, kahit anong gawin mo, hindi sa iyo ibibigay,” sinabi ni Robredo sa mga mamamahayag.

Ito ang inihayag ni Robredo isang araw makaraang sabihin ni Mayor Sara na sa Enero 2021 siya magpapasya kung kakandidato siya sa pagkapangulo sa Mayo 2022.

“Magiging masama para sa akin kung ang iisipin ko 2022 kasi ang dami kong ginagawa bilang Pangalawang Pangulo. Mayroon akong Angat Buhay,” ani Robredo, tinukoy ang kanyang programa kontra kahirapan.

“Kapag ang konsiderasyon ko eleksiyon, parati na sigurong magiging requirement ko, dapat pupuntahan namin na mga community maraming botante. Dapat iyong pupuntahan naming community hindi sayang sa oras. Hindi ko na mapupuntahan iyong mga adopted communities namin,” paliwanag ni Robredo.

Pinabulaanan din ni Poe ang posibilidad na muli siyang kumandidato sa pagkapresidente.

“Alam mo siguro nakalipas na ‘yon, sapagkat nabigyan na ako ng pagkakataon,” sinabi ni Poe sa chance interview sa kanya nang naglibot siya sa Obrero Public Market sa Maynila nitong Lunes.

Matatandaang kumandidatong presidente si Poe noong 2016, at pumangatlo siya kina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Interior Secretary Mar Roxas.

Kumakandidato siya ngayon para sa ikalawang termino niya sa Senado.

“Marami naman diyang puwede na maaaring ikonsidera ng ating mga kababayan; kahit naman sa Senado marami rin naman tayong puwedeng maitulong,” sabi ni Poe.

-Raymund F. Antonio at Vanne Elaine P. Terrazola