Sugatan ang isang Korean makaraang barilin ng isa sa dalawang holdaper sa Pasay City, iniulat ngayong Linggo.
Nakatakdang operahan sa ospital si Youngkuk Kang, 33, pansamantalang nanunuluyan sa Robinson Tower Ermita, Maynila, dahil sa tama ng bala sa kaliwang bewang.
Sa inisyal na ulat ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente sa tapat ng isang gasolinahan sa panulukan ng MIA Road at NAIA Road sa nasabing lungsod, dakong 1:30 ng madaling araw.
Una rito, minamaneho ni Kang ang itim na Toyota Fortuner, kasama ang kanyang nobya, at sinundo ang dalawang kaibigang Korean sa NAIA Terminal 2 sa Pasay City, bago inihatid sa City of Dreams sa Parañaque City.
Habang nasa biyahe, huminto si Kang sa stop light sa tapat ng gasolinahan nang lapitan at katukin ng magkaangkas sa motorsiklo at ipinaalam na sila ay nabangga.
Nagtalo ang magkabilang panig, bumunot ng baril ang nakaangkas na suspek at tinutukan si Kang kaya bumaba ito sa sasakyan, subalit itinulak siya saka binaril.
Agad na pumunta ang rider sa likod ng kotse at tinangay ang dalawang bagahe, na naglalaman ng hindi pa madeterminang halaga ng pera at mahahalagang gamit.
Humarurot ang mga suspek sa hindi batid na direksiyon.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
-Bella Gamotea