HINIKAYAT ng Junior Chamber International (JCI) - Lingayen Bagoong Chapter ang mga kabataan ng Pangasinan na pag-aralan at aralin ang ‘Baybayin’ sa pamamagitan ng two-phase writeshop na idinaos nitong Pebrero 9-10.

Ayon kay Reginald Agsalon, JCI-Lingayen Bagoong Chapter immediate past president, ipinakikilala ng writeshop sa mga kabataan ang kasaysayan at gamit ng Baybayin.

“We wanted to bring back to life this ancient written language of Philippines as to what other groups like the National Commission for Culture and the Arts (NCCA) is advocating too,” pahayag ni Agsalon sa isang panayam, nitong Martes.

Aniya, nais ng grupo na magamit ang aktibidad bilang paraan upang mahikayat ang mga kabataan na muling makiisa sa Filipino, sa literature at kasaysayan ng Pilipinas.

Ang Baybayin ay sinaunang paraan ng pagsulat ng mga sinaunang Pilipino, ngunit unti-unting naglaho dahil sa paggamit ng alpabetong Latin sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.

Nakatuon ang writeshop sa pagkilala sa mga pangunahing paraan ng pagsulat ng Baybayin, katulad ng mga kudlit.

Itinampok din sa writeshop ang iba pang paraan ng pagsulat sa Pilipinas.

“The event was great. It was fun and I never expected that I would gain deeper knowledge on Baybayin. Writing Baybayin is not difficult once you master the basic strokes,” pahayag Izel Cacal, isa sa mga lumahok.

Bilang mag-aaral, hinihikayat ni Cacal ang mga kapwa niya kabataan na pag-aralan at gamitin ang Baybayin.

“Syempre bilang kabataan, mahalaga na nae-expose tayo sa mga ganoong bagay dahil bukod sa mas bukas yung isip natin, tayo yung pwedeng magpatuloy ng ganoong adbokasiya. Mahalaga rin ito dahil parte na ito ng kultura natin bago pa man dumating ang mga Kastila,” aniya.

Plano naman ng grupo na palawigin pa ang pagdaraos ng writeshop.

Kamakailan lamang, inihain ni Pangasinan 2nd District Rep. Leopoldo Bataoil ang panukalang-batas na nagtatalaga sa Baybayin bilang pambansang paraan ng pagsulat ng mga Pilipino.

PNA