HINIHIKAYAT ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Environment Management Bureau (EMB) ang buong Calabarzon para sa malawakang pagbabawas ng mga dumi o basura sa mga bahay at establisyemento sa rehiyon, dulot ng limitadong mga landfills at dumpsites.

Sa pagbabahagi ni DENR Calabarzon Regional Executive Director Maria Paz Luna, sinabi niya na kinakailangang palawakin ng mga local government units (LGUs) ang kanilang solusyon para sa maaaring pakinabang ng mga basura sa ekonomiya.

“Many LGUs now can derive economic value from their wastes, we only need to increase demand,” aniya.

Bukod sa mga economic-driven solution, nagbigay din ng suhestiyon ang DENR sa pagsubok ng posbilidad ng paglalagay ng mga disposal facility sa bawat probinsiya sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Iginiit din niya ang pangangailangan ng lahat ng mga pampublikong instruktura, na ikonsidera na subukan ang paggamit ng mga ladrilyo na nag-aalis ng mga dumi sa mga ‘waste stream’.

“Landfills are no less public works than roads and bridges. Pag umapaw na po ang palanggana, hahagilapin ba muna ang mop o papatayin muna ang tubig? Wala na pong pagpigaan ng mop, ibang paraan na ang dapat hanapin pag 60 percent na ang problema,” paliwanag ni Luna.

Iniulat na tanging 38 porsiyento ng pangunahing mga dumi o basura ng rehiyon na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay maaaring tanggapin ng 35 sanitary landfills na nasa iba’t ibang lokalidad na may permisong magsagawa ng operasyon , lalo’t bawat landfill ay may kapasidad lamang na umaabot sa 2,193 tonelada ng dumi kada araw.

Sa datos na isinumite ng LGUs sa EMB, naglalabas ang Calabarzon Region ng 5,695 tonelada ng basura kada araw na may per capita waste generation na umaabot sa 190 gramo hanggang 390 gramo bawat tao.

Cavite at Laguna ang nangunguna sa per capita, habang ang Quezon ang may pinakamababa tala na mas mababa pa sa basura na nalilikha ng mga metropolitan areas at sikat na lugar katulad Boracay.

Sa pulong kamakailan kasama ang mga opisyal ng DENR, umapela ang mga LGU na hindi kayang makamit ng rehiyon ang 100% efficiency sa pagkolekta ng mga basura at hindi ito maaabot dahil sa limitadong bilang ng mga dump trucks at tauhan.

Tinalakay din sa pagpupulong ang serbisyo ng pangongolekta ng basura na kalimitang nakasentro sa mga poblacion o town proper.

Samantala, hinikayat din ng ahensiya sa mga LGU na paigtingin ang kanilang koordinasyon sa mga pribadong sektor bilang isang holistikong paraan upang mabawasan ang mga basura ng rehiyon lalo na sa bawat tahanan.

PNA