BILANG bahagi ng pagsisikap na maitayong muli ang Marawi, pinasimulan kamakailan ang konstruksiyon ng nasa 1,500 permanenteng tirahan para sa mga internally displaced persons (IDPs) ng Marawi sa bahagi ng Dulay Proper.
Ang mga bahay na itatayo ay bahagi ng shelter component ng United Nations Human Settlement Program’s (UN-Habitat) Rebuilding Marawi Through Community-Driven Shelter and Livelihood Project.
Pinondohan ang proyekto ng Japanese government sa 1.1 billion yen (or PHP500 million) grant para sa pagtatayo ng mga bahay, community mapping at suporta sa pamamagitan ng mga livelihood, community at development, infrastructure, at cultural at post-conflict.
“We hope to empower the IDPs to assert their rights and have a great future and provide opportunities for a brighter future,” pahayag ni Makoto Iyori, Minister for Economic Affairs ng Embassy of Japan sa Pilipinas.
Naglaan din ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) ng P248 milyon para sa lupang pagtatayuan ng mga bahay.
Target makumpleto ang mga bahay sa Marso 2020, na dalawang palapag na kakasya sa walong miyembrong pamilya. Tinatayang gugugol ang bawat bahay ng P200,000, ayon kay UN Habitat Architect Orwell Obach.
Ayon pa kay Obach, 800 bahay ang itatayo sa 13.3 ektaryang lupain sa Dulay proper at 100 sa Dulay West. Panibagong limang ektaryang ang irereserba upang pagtayuan ng mga kalsada at palaruan sa mga bata.
Samantala, patuloy naman ang paghahanap ng SHFC ng natitirang pitong ektarya na kailangan para sa pagtatayo ng 600 bahay upang makamit ang 1,500 mark, ayon kay UN Habitat project Manager Warren Ubongen.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Annicia Villafuerte, SHFC vice president of management services department, na maaaring okupahan ng IDPs ang mga lupa sa loob ng 99 na taon. Maaari ring bilhin ng mga ookupa ang lupa na pagtatayuan ng kanilang magiging bahay upang makakuha ang mga ito ng land title.
Ayon kay Unongen, nasa 21 land owners ang interesadong ibenta ang kanilang lote sa SFHC ang nakapagsumite na ng titulo, bagamat patuloy pa ang beripikasyon upang matiyak kung lehitimo ang mga papel para sa security of land tenure at maiwasan din ang away sa pagmamay-ari ng lupa.
Prayoridad na mabigyan ng bahay ang mga pamilya na hindi na makakabalik sa kanilang mga dating tahanan na nasa pinakaapektadong lugar sa lungsod at ang mga nakatira tatlo hanggang anim na metro mula sa Lake Lanao at Agus River.
Samantala, tatanggapin din ang mga pamilya na walang lupa o bahay sa Lanao, IDPs na handang bumalik sa Marawi at handang maging UN Habitat’s partner, mga residente na hindi pa nakatatanggap ng anumang tulong para sa permanenteng tahanan, at mga naninirahan sa ilalim ng poverty threshold.
Sa talumpati naman ni Task Force Bangon Marawi Field Office Manager Assistant Secretary Felix Castro, Jr., sinabi niya na ang mga may kakayahan na IDPs na maaaring tumulong sa konstruksiyon ay kukuhanin para sa trabaho.
PNA