IPINAGDIRIWANG ngayon ng Manila Bulletin ang ika-119 anibersayo bilang pahayagan ng Pilipinas na naging saksi, tagatala at nag-ambag sa pag-unlad at pagsulong ng ating bansa, sa pamamagitan ng tradisyon ng malayang pamamahayag.

Maliban sa tatlong taong pananakop ng Hapon sa Pilipinas noong 1942-45 at dalawang buwan sa pagsisimula ng batas militar noong 1972, araw-araw na naglalabas ng balita ang Manila Bulletin mula sa pinakaunang labas nito noong Pebrero 2, 1900.

Ipinagmamalaki natin ang mabahang panahong ito. Sa mga nagdaang taon, nasaksihan at ibinalita ng Bulletin ang Pilipinas sa pagiging isang bansa, una sa ilalim ng bagong mga kolonyal na opisyal na nagpakilala ng bagong sistema at pamantayan na humalili sa tumulong humubog sa atin sa nagdaang tatlo at kalahating siglo.

Kabilang sa mga pagpapahalagang ito ang kalayaan na hindi kilala sa halos lahat ng bahagi ng mundo—kalayaan sa pamamahayag, kalayaan sa pagpapahayag, kalayaan sa pananalita. Sa una at kalahating taon, 24 na pahayagan ang nagsimula, ngunit karamihan sa mga ito ang hindi nagtagal; tanging isa lamang ang tumagal hanggang 1929. Ngunit ang isa na itinatag noong 1900 ay tumagal sa sumunod na 119 na taon—ang Bulletin.

Nananatiling iwinawagayway ang bandera ng malayang pamamahayag sa ating bansa hanggang ngayon. Ito ang kalayaan na protektado ng ating Konstitusyon: “No law shall be passed abridging freedom of speech, of expression, of the press, or the right if the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” Ito ang kalayaan na minana natin mula Amerika na ang Konstitusyon ay nagsasaad din ng katulad na mga salita: “Congress shall make no law respecting an establishment of hreligion, or prohibit the free exercise thereof, or abridging the freedom of speech, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”

Umunlad ang Pilipinas sa kapaligiran ng malayang pamamahayag. Ang Bulletin at ang lahat ng iba pang pahayagan na naglimbag sa mga sumunod na dekada, samakatuwid ay ginampanan ang mahalagang tungkulin sa paglago ng ating bansa, sa pagbabantay sa pamahalaan, sa mga pagbabago sa ekonomiya, sa panlipunang mga kaganapan. Naitala ng mga pahayagan ang mga kaganapan habang nakatutok ang mapanuri at kritikal na mga mata ng nasa gobyerno sa pag-asang maiwaksi ang mga kalabisan at pang-aabuso.

Mula 1942 hanggang 1945, isinara ang mga pahayagan sa Pilipinas sa pananakop ng mga Hapon. Muli itong isinara sa pagpapatupad ng martial law noong 1972, na nagbigay daan sa pananatili sa kapangyarihan ng administrasyon sa loob ng sumunod na 14 na taon, hanggang sa pagsiklab ng People Power Revolution noong 1986. Ito ang makapagpapaliwanag kung bakit ang pamamahayag ngayon ay sensitibo sa mga proklamasyon o maging sa mga banta ng batas militar o biglaang pamahalaan.

Sa kasalukuyan, malaya ang pamamahayag sa Pilipinas at patuloy na naisasabuhay ng Manila Bulletin ang tradisyunal na pagkuha sa mga balita saan mang bahagi ng bansa at sa buong mundo. Lubos na nabibigyan ng impormasyon ang mga tao hinggil sa mga nagaganap sa kasalukuyan sa Amerika, China, Europa, South Amerika, sa Gitnang Silangan at Africa. Higit ang kanilang impormasyong nalalaman sa ating bansa, katulad ng naganap kamakailan na pambobomba sa Jolo, ang pagdurusa ng mga biktima ng mga bagyo mula sa hilaga hanggang sa katimugang bahagi ng archipelago, ang kampanya laban sa ilegal na droga at ang iba pang banta sa katatagan at seguridad ng bansa at ang patuloy na pagsisikap sa pagpapanatili ng kapayapaan laban sa mga krimen at ibang mga rebeldeng grupo.

Ngayong araw, ipinagdiriwang natin sa Bulletin ang patuloy nating pagbabalita sa lahat ng mga kaganapan sa nakalipas na 119 taon na ating ipagpapatuloy sa mga susunod pang maraming taon, ang pahayagan ng pagtatala, ang pahayagan sa isang malayang lipunan, kasama ng tiyak nitong tungkulin sa buhay ng bansa, habang tinatamasa nito ang kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, at pamamahayag na nakasentro sa ubod ng ating demokrasya.