“ANG punto ko ay hindi natin binigyan ng pagkakataon na mapairal ang Juvenile Justice Act. Kung ito ay nagawa namin sa Valenzuela, nasisiguro kong magagawa rin ito sa ibang lokalidad,” wika ni Senador Win Gatchalian.

Isa ang senador sa mga tumututol sa panukalang ibaba sa 15-anyos ang criminal liability. Pero, sa Kamara, sa botong 146-34, ipinasa na ang panukala na ibaba ito sa edad na 12. Inamin ni Speaker Gloria Macapagal- Arroyo na isinulong ng Kamara ang panukala dahil sa instruksiyon ni Pangulong Duterte. Pero, sa kanyang panahon bilang Pangulo naging batas ang Juvenile Justice and Welfare Act, na inakda ni Sen. Francis Pangilinan. Sa tuwing magsasalita si Pangulong Duterte hinggil sa droga at krimen, hindi nakaliligtas na personal niyang batikusin si Pangilinan at ang batas dahil umano rito ay mas maraming bata ang nagagamit ng mga sindikato sa krimen.

Pero, kay Sen. Gatchalian, ang kabataang may murang isip ay hindi pinaparusahan kundi binibigyan ng pagkakataong magkapagbago. Ito ang layunin niya kaya humihingi siya ng pagkakataon para lubusang mapairal ang Juvenile Justice and Welfare Act. Nagsasalita siya batay sa kanyang karanasan. Sa Valenzuela City, na kung saan siya ay naging Kongresista at Alkalde, sinunod umano nilaang batas at nagtayo sila ng Bahay Pag-asa. Ayon sa kanya, 75 porsiyento ng mga batang dinala dito sa Bahay Pag-asa ay nakabalik na sa kani-kanilang pamilya, nakapagpatuloy ng kanilang pag-aaral. Ang iba raw ay nag-aaral na sa University of the Philippines. “Nakipag-isa rin ang aming pamahalaang lokal”, aniya, “sa mga relihiyosong grupo upang magbigay sa mga bata ng spiritual guidance.” Kaya, matapang niyang sinabi na hindi na kailangan amyendahan ang batas.

Kay Pangulong Duterte at sa mga mambabatas na sumunod sa kanya, bagamat ibinaba sa 12 sa halip na 9 na siyang panukala ng Pangulo ang criminal liability, hindi ang batas ang salarin. Ang salarin ay ang pagkukulang nila at kapwa niyang mga nasa gobyerno. Iniaatas ng batas sa 81 probinsya at 33 highly urbanized cities na magtayo ng kani-kanilang Bahay Pag-asa, pero sa Metro Manila, dalawang lungsod lang ang sumunod, isa na nga rito ang Valenzuela City. “Ano ang ginagawa ng mga highly urbanized cities? Pinipuwersa talaga ang mga local government units na magtayo ng Bahay Pag-asa,” sabi pa ni Sen. Gatchalian. Hindi ako, aniya, naniniwala na hindi kayang gawin ito ng mga local government units. Pwede naman daw silang humingi ng tulong sa national government.

Sa halip na impluwesiyahan ng Pangulo ang mga mambabatas na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act para ang criminal liability na 15 taon ay ibaba, puwersahin niya ang mga local government units na sumunod sa batas. Nasa ilalim niya ang mga ito at lagi niyang ipinaliliwanag sa bawat hakbang na kanyang ginawa na tungkulin niyang ipatupad ang batas. Ang problema, paanong maasikaso ito ngayon ng Pangulo, eh abala siya sa naging bunga ng ginawa niya sa Mindanao. Nawawasak na ito at naghahati-hati na ang mga mamamayan.

-Ric Valmonte