IPINAHAYAG ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman at Philippine Seagames Organizing Committee (PHISGOC) co-chair William “Butch” Ramirez na inatasan na ng ahensiya ang lahat ng National Sports Associations (NSAs) na isumite ang kinakailangan dokumento para sa kailangang equipment sa 2019 Southeast Asian Games (SEAG) hosting.

Sinabi ni Ramirez na ilang buwan na lamang ang kinakailangan ng pamahalaan upang maihanda ang mga dokumento na kailangan ding maisumite sa Senado para kagyat na maipalabas ang aprubadong budget na P7.5 bilyon para sa administrative at organizational expenses sa SEAG.
“Ang main concern ko dito is to work on the equipments ng lahat ng NSAs and the venues of course. Ito yung tutukan ko and i have to check everything from the Executive Director down the line, kasi kami ‘yung mag re-release ng budget. And we have to release it, according to the government rules,” pahayag ni Ramirez sa isinagawang press conference kahapon sa PSC office.
Taliwas sa nakalipas na SEAG hosting noong 2005 kung saan ang Philsoc (Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee) ang nagsagawa ng disbursement, ang PSC ang inatasan ng Malacanang na humawak ng budget.
“Kaya mabigat ang trabaho naming. But rest assured na walang makalulusot na ‘red tape’ dito. We will not allow mismanagement on this,” pahayag ni Ramirez.
Matatandaang, magpahanggang sa kasalukuyan, milyong halaga pa rin sa ginastos sa 2005 SEAG ang hindi na-liquidate ng Philsoc at hinahabol ng Commission on Audit (COA).
Kinatigan ito ni PSC Commissioner Celia Kiram kasabay nang pahayag na nirerepaso ng ahensiya ang lahat ng request at maging budget na isinumite sa kanila para sa operational expenses.
“We double check lahat ng papel, kasi lahat ng gastusin namin we make sure na allow sa COA rules. Hindi puwedeng mag-release kami ng budget, pero sa huli kami ang hahabulin ng COA,” pahayag ni Kiram sa kanyang pagbisita sa TOPS (Tabloid Organization in Philippine Sports) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes.
Ayon kay Kiram, nakabinbin sa PSC ang ‘request budget’ na P5milyon kada buwan para sa organizational expenses ng SEA Games, kabilang na dito ang mga suweldo sa personnel ng bawat binuong committee at supplies.
“We need to scrutinize everything, dahil hindi pera ito ng PSC, pera ito ng taong-bayan. Kung hindi ito magagamit sa tama, kami ang mananagot dahil sa amin ibinigay ang responsibility,” sambit ni Kiram.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Ramirez na maayos ang takbo ng organisasyon ng Phiosgoc na pinamumunuan pa rin ni dating Foreign Affiar Secretary Allan Peter Cayetano.
Nilinaw rin ni Ramirez na sa P7.5 milyon, hindi kasama ang ginastos sa pagpapatayo ng mga bagong sports center at venues sa Clark at Subic dahil ang programa ay nasa pangangasiwa ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
“Phisgoc is doing fine. No changes. We have the same set-up. Mr. Cayetano will still be our chairman. Anything can happen along the way, but the Phisgoc is doing fine,” ani Ramirez
-ANNIE ABAD