Inihanda na ng pamahalaan ang aabot sa 20,348 pulis at sundalo sa Mindanao upang mangasiwa sa pagpapairal ng kapayapaan at kaayusan sa pagsasagawa ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lunes, Enero 21.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde nang pangunahan niya ang send-off ceremony kahapon ng mga pulis sa Camp Gonzalo Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Kasama rin ni Albayalde sina Interior and the Local Government Secretary Eduardo Año, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff General Benjamin Madrigal, Presidential Peace Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr., at Commission on Elections (Comelec) Commissioner Al Parreno.
Ang nasabing government forces ay binubuo ng 9,907 pulis at 10,441 sundalo, na ipinadala sa ARMM; Isabela City, Basilan; at Cotabato City, kung saan idaraos ang plebisito.
Kaugnay nito, magsasagawa rin ng hiwalay na plebisito sa Pebrero 6 sa Lanao del Norte, maliban sa Iligan City; Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit at Pigkawayan sa North Cotabato; at iba pang Bangsamoro area.
Nilinaw ni Albayalde na walang namo-monitor nab anta sa seguridad ang pulisya bago pa man isagawa ang plebisito para sa ratipikasyon ng BOL.
Gayunman, hindi pa rin, aniya, sila magpapakampante, lalo na’t may isang terorista na naaresto sa Cotabato City nitong Huwebes.
Partikular na tinukoy ni Albayalde ang pagkakadakip kay Abubakar Pagayao, alyas “Jing” at “Karyo Pagayao”, na umano’y kaanib ng Ansar Khilafa Philippines (AKP), ang sinasabing unang grupo ng mga terorista na sumumpa ng suporta sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
-Martin A. Sadongdong