HINDI bababa sa 3,000 mamamayan ng Legazpi ang nakiisa para sa isang unity walk, na layuning ipanawagan ang matapat at mapayapang halalan kasabay ng pagsisimula ng panahon ng halalan nitong Linggo.

Sa pagbabahagi ng Commission on Elections (Comelec)-Bicol, nagsimula ang parade sa Peñaranda Park sa Old Albay District at tinunton ang dalawang kilometrong layo patungo sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Simeon Ola sa lungsod, bandang 6:00 ng umaga.

Ayon kay Juana Valeza, Comelec regional director, tampok din sa programa ang isang ‘covenant signing’ para sa matapat, maayos, at mapayapang halalan ng mga kandidatong naghahangad na makaupo sa puwesto.

Aniya, nagkaroon din ng katulad na unity walk sa Naga City sa Camarines Sur, Daet sa Camaribes Norte, Masbate City, Sorsogan, at Virac, Cantanduanes.

Nanawagan naman si Valeza sa mga pulis at militar at iba pang talagang ahensiya na maging neutral at walang papanigan sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang tagapagpanatili ng malinis at maayos na halalan hanggat maaari.

Gayunman, sa covenant signing sa Camp Simeon Ola, mapapansin na sa kabila ng ipinadalang mga imbitasyin sa mga kandidato, iilan lamang ang dumalo sa pagtitipon.

Samantala, upang matiyak ang mapayapang panahon ng halaln, naglagay na ng mga checkpoints ang Comelec sa buong rehiyon, ilang oras bago ipatupad ang election gun ban nitong hatinggabi ng Sabado.

Bukod sa Comelec, bahagi rin sa nakatakdang mid-term national at local election sa Mayo ang ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang Department of the Interior and Local Government, PNP, at Armed Forces of the Philippines.

PNA