Umabot na sa 85 ang mga nasawi sa paghagupit sa bansa ng bagyong “Usman” kamakailan, kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).Sa datos ng NDRRMC, ang mga nasawi ay naitala sa Region 5 (Bicol) at Region 8 (Eastern Visayas).
Paliwanag ni Office of Civil Defense (OCD) Director for Operations Director at NDRRMC Spokesman Edgar Posadas, tumaas ng 10 ang mga nasawi sa patuloy na pagkilos ng search and retrieval team sa nakaraang 24 oras.
Karamihan umano sa mga ito ay natabunan ng landslide sa Bicol area.
Aabot na rin umano sa 40 katao ang naiulat na nawawala sa MIMAROPA area (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), Bicol at Eastern Visayas.
“Casualties are still subject for validation and verification,” sabi ni Posadas.
Umaabot naman sa P342 milyon ang iniulat na nasalantang pananim sa Bicol region, ayon kay NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ricardo Jalad.
KLASE SA NAGA CITY, SUSPENDIDO
Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Naga City, Bicol bunsod ng Usman.
Sinuspinde ni Naga City Mayor John Bongat ang klase simula Enero 3-Enero 6.
ISANG LINGGONG PAGLILINIS
Sa abiso ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tatagal ng isang linggo ang paglilinis at paghahatid ng mga relief supplies sa lugar ng mga apektado ng bagyo.
Tinukoy ni DPWH Undersecretary Rafael Yabut ang mga baradong kalsada na kinabibilangan ng Sta. Elena at mga bayan ng Tabo sa Camarines Norte, Tiwi sa Albay at Daang Maharlika sa Camarines Sur.
-Francis T. Wakefield, Mary Ann Santiago, at Mina Navarro