Nakiisa ang Malacañang sa paggunita sa kadakilaan at pagkamartir ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal, na gumising sa sambayanang Pilipino para lumaban sa mga Kastilang mananakop.

Sa isang seremonya kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dapat nating alalahanin ang sakripisyo at kamatayan ni Rizal sa Bagumbayan, 122 taon na ang nakararaan.
Pinapatunayan, aniya, ng buhay at kamatayan ni Rizal na nakakaya at magagawa ng bawat Pilipino na tumindig upang ipaglaban ang kalayaan at dignidad ng bayan.
Hinikayat din nito ang mga Pinoy, lalo ang mga kabataan na gawing inspirasyon ang buhay ni Rizal at isabuhay ang mga prinsipyo nito.
Pinangunahan naman ni Vice President Leni Robredo ang wreath-laying ceremony sa monumento ni Rizal sa Rizal Park sa Maynila kahapon.
Bahagya pang napunit ang watawat ng Pilipinas habang itinataas ito sa seremonya nang awitin ang “Lupang Hinirang” ngunit kaagad din itong pinalitan.
Sa isang pahayag, ipinaalala ni Robredo sa mga Pinoy na ang tunay na kapayapaan ay laging may kaakibat na kabutihan at integridad at nanawagan para sa isang bansang “free from hate, division, and tyranny”.
-Beth Camia at Mary Ann Santiago