Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, muling pinaalalahanan kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga gumagawa ng paputok na huwag nang tangkaing magbenta ng mga ipinagbabawal na paputok.

Inilabas ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang pahayag kasabay ng kanyang pag-iinspeksiyon kahapon sa ilang tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan.

“We conducted an inspection here in Bulacan to determine if they are not selling illegal firecrackers. Based on our inspection, all of the establishments we inspected are compliant to the law. They have certificates and permits, and fire safety equipment,” pahayag ni Albayalde.

Gayunman, kinumpirma ni Albayalde na dalawang nagbebenta ng paputok ang inaresto kamakailan ng Bulacan Police Provincial Office dahil sa paggawa ng ilegal na paputok, kasabay ng pagpapakita sa mga paputok na nasamsam mula sa mga suspek.

Probinsya

Nasa 4,000 mga labi, apektado ng konstruksyon sa isang sementeryo sa Cebu

“As per provincial police, so far they have arrested two [sellers] for illegally manufacturing of firecrackers worth P300,000, so I hope this serves as a lesson to other establishments,” ani Albayalde.

Ayon sa PNP-Firearms and Explosives Office (FEO), kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang Piccolo, Watusi, Giant Whistle Bomb, Giant Bawang, Large Judas’ Belt, Super Lolo/Thunder Lolo, Atomic Bomb/Atomic Bomb Triangulo, Pillbox, Boga, Kwiton, Goodbye Earth/Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Hello Columbia, Coke-in-can, Kabasi, Og, at iba pang walang tatak at mga imported na paputok.

Kabilang naman sa pinahihintulutang gamitin ang Baby Rocket, Bawang, El Diablo, Judas’ Belt, Paper Caps, Pulling of Strings, Sky Rocket (kuwitis), Small Triangulo, Butterfly, Fountain, Jumbo, regular at special Luces, Mabuhay, Roman Candle, Sparklers, Trompillo, at Whistle.

Magmumulta ng hindi bababa sa P20,000 hanggang P30,000, makukulong nang anim na buwan hanggang isang taon, babawian ng lisensiya at business permit, at kukumpiskahin ang inventory stock ng lalabag sa Republic Act 7183, o ang sinumang mahuhuling nagbebenta at gumagawa ng ilegal na paputok.

Umapela rin si Albayalde sa publiko na huwag tangkilikin ang mga ilegal na paputokm, dahil maaaring manganib ang kanilang buhay at mapahamak o masaktan ang ibang tao.

“To the public, just buy what is allowed in the law. I think the maximum allowable weight of purchased firecracker is three kilos. Beyond that, you will be made to secure a permit coming from PNP-FEO so just be careful in transporting firecrackers if you are buying bulk of it,” ani Albayalde.

Taong 2017 nang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 28 na nagsasabing bawat barangay ay kinakailangang magtakda ng fireworks zone para sa ligtas na community fireworks display, sa halip na sa mga lansangan.

-Martin A. Sadongdong at Fer Taboy