Makalipas ang 14 na taon, nakamit na ng pamilya ng dinukot at pinaslang na Filipino-Chinese businessman ang hustisya nang hatulan kahapon ng korte ng habambuhay na pagkakabilanggo ang pitong akusado sa kaso.

Napatunayan ni Baguio City Regional Trial Court (RTC) Branch 60 Judge Maria Ligaya Itliong Rivera na nagkasala sa kidnapping for ransom with homicide sina Paul Sumbad, Reymond Dulaycan, Gastrol Sarol, Jason Ling-lingan, Roger Agtulao, Cromwell Filog, at Danny Palapag.

Sa 29-pahinang desisyon ng hukuman, na may petsang Disyembre 21 ngunit kahapon lang isinapubliko, pinagbabayad din ang pito ng P800,680 bilang actual damages, P70,000 bilang civil indemnity, at P200,000 bilang moral damages.

Ang pito ang dumukot at pumatay kay Senly Loy sa Dizon Subdivision, Baguio City, noong gabi ng Marso 18, 2004.

National

‘Life-threatening conditions’ nagpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon dahil kay Marce – PAGASA

Matapos ang halos dalawang buwan, natagpuan ng mga tauhan ng National Anti-Kidnapping Task Force ang bangkay ni Loy—na tinabunan ng mga bato at sunog na gulong ng sasakyan, sa Barangay Abiang sa Atok, Benguet.

Batay sa record ng kaso, humihingi ng P10 milyon ang mga kidnapper sa pamilya ni Loy hanggang sa magkatawaran sa P500,000 ransom, na kaagad na ibinigay sa mga suspek, ngunit pinatay pa rin nila ang biktima.

Naaresto ang pito makaraang ituro sila ng dalawang testigo, na umamin na kasama sila sa mga dumukot kay Loy.

-Rizaldy Comanda