Nasa 21 lugar ang isinailalim kahapon sa Signal No. 1 habang tinutumbok ng bagyong ‘Usman’ ang Eastern Visayas.

Tanghali kahapo nang isailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal No. 1 ang Romblon, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Ticao at Burias Islands, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, hilagang bahagi ng Cebu, Camotes Islands, Aklan, Capiz, hilagang bahagi ng Iloilo, hilagang Negros Occidental, at Dinagat Island.

Ayon kay Raymond Ordinario, PAGASA weather specialist, bagamat malayo pa sa pagtama sa lupa ay malakas na ang ulan sa Dinagat Island, Bicol at Eastern Visayas habang isinusulat ang balitang ito kahapon.

Natukoy ang Usman may 450 kilometro sa silangan ng Surigao City sa Surigao del Norte, o 440 kilometro sa silangan-timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar bandang tanghali kahapon. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour (kph).

National

2 nanalo ng ₱281M, taga-Metro Manila!

Bitbit ng Usman ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph, at bugsong aabot sa 65 kph.

Inaasahang magla-landfall ang Usman sa Eastern Visayas ngayong Biyernes ng hapon, ayon kay Ordinario.

Itinaas naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa blue alert ang paghahanda nito sa pagtama ng Usman.

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Director Edgar Posadas na umiiral na rin ang blue alert status sa Eastern Visayas, at pinag-iingat ang mga taga-Eastern Visayas sa malaking posibilidad ng pagguho ng lupa at baha.

-Ellalyn De Vera-Ruiz at Beth Camia