Sinalakay kahapon ng nasa 50 Communist New People’s Army Terrorists (CNTs) ang patrol base sa Agusan del Sur, at dinukot ang 12 militiamen at dalawang sundalo, iniulat ng militar.

Ayon kay Army 4th Infantry Division (4th ID) Chief Major General Ronald Villanueva, sinalakay ng NPA na kabilang sa Sub-Regional Sentro de Gravidad Westland, sa ilalim ni alyas Momoy, at Guerilla Front 30, sa ilalim ni alyas Megan, ang New Tubigon Patrol Base sa Sibagat, Agusan del Sur nitong Diyembre 19, dakong 3:00 ng madaling araw.

Sabi ni Villanueva, nasa 50 NPA ang dumukot sa dalawang sundalo at 12 Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) members at tinangay ang ilang armas.

Aniya, tinutugis na ng Army’s 3rd Special Forces Battalion ang nasa likod ng insidente.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

-Francis T. Wakefield