PINADAPA ng season host National University ang defending champion Ateneo de Manila,78-62, upang tumapos na No.1 team sa unang round ng UAAP Season 81 juniors basketball tournament kahapon sa mismong homecourt sa Blue Eagle gym sa Quezon City.
Tinapos ng Bullpups ang first round na may 6-1 karta, habang bumagsak ang Blue Eaglets sa 3-way tie sa ikalawang puwesto kasalo ng Adamson at Far Eastern University-Diliman na may kartadang 5-2.
Pinangunahan ni Terrence Fortea ang nasabing panalo sa ipinoste niyang 17 puntos, kasunod si Gerry Abadiano na may 16 puntos at Carl Tamayo na may double-double 13-puntos at , 12-rebounds.
Nanguna naman para sa Ateneo na nakakuha ng 39 puntos mula sa freethrows si Kai Sotto na may 23 puntos at 12 rebounds ngunit mayroong 7 turnovers.
Nauna rito, tumapos ding katabla sa ikalawang puwesto ang Adamson University at ang Far Eastern University-Diliman sa first round makaraang magsipagwagi sa kani-kanilang mga katunggali.
Dinagit ng Baby Falcons ang De La Salle Zobel Junior Archers, 72-57, sa pamumuno ni Adrian Manlapaz na nagposte ng kanyang career-high 18 puntos kasunod sina Didat Hanapi at Andrey Doria na umiskor ng 12 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
Nag-ambag naman si Joem Sabandal ng double-double 11 puntos at 12 rebounds maliban sa 6 na assists, at 2 steals para sa Baby Falcons na umangat sa markang 5-2.
Nakapantay sa kanila ang FEU-Diliman matapos nitong ilampaso ang University of Sto. Tomas, 63-37.
Pinangunahan ang Baby Tamaraws ni RJ Abarrientos na tumapos na may 11 puntos, 6 rebounds, 3 assists, at 3 blocks kasunod si Bryan Sajonia na may 12 puntos.
Samantala, nakatikim na rin ng panalo sa wakas ang University of the East matapos igupo ang University of the Philippines Integrated School, 74-72.
Nagtala si Leo Almacen ng kanyang career-high 29 puntos upang giyahan ang unang panalo ng Junior Warriors sa loob ng pitong laban.
Bigo namang makapagtala kahit isang panalo ang Junior Maroons matapos ang first round.
-Marivic Awitan