NAGSANIB puwersa sina RJ Abarrientos at Xyrus Torres upang pamunuan ang Far Eastern University-Diliman sa 102-72 paggapi sa University of the Philippines Integrated School kahapon sa UAAP 81 Juniors Basketball Tournament sa Blue Eagle gym.
Nagposte ang senior forward na si Torres ng kanyang career-high 27 puntos habang nagpamalas ang graduating guard na si Abarrientos ng all around performance para sa Baby Tamaraws.
Mula umpisa ay mainit na si Torres na bumitaw ng anim na triples habang nag-ambag naman si Abarrientos ng 15 puntos, 6 assists, at 4 rebounds upang makabawi mula sa pito at labing-isang puntos na produksiyon nila sa nakaraang pagkatalo ng FEU-Diliman sa De La Salle Zobel noong Linggo.
Dahil sa panalo, umangat ang Baby Tams sa barahang 4-2, habang nanatiling walang panalo ang Junior Maroons na pinamunuan mi Allen Torres na may 23 puntos at 9 na rebounds matapos ang 6 na laban.
Sa sumunod na laban, pinataob ng University of Sto. Tomas ang DLSZ ,63-55.
Nagsipagtala ng double-double sina Mark Nonoy(19 puntos, 12 rebounds,6 assists) at Bismarck Lina(10-puntos, 12-boards) para pangunahan ang Tiger Cubs sa pag-angkin ng ikatlo nilang panalo sa loob ng anim na laro at pagtabla sa kanilang biktima sa patas na 3-3 marka.
-Marivic Awitan