Kinumpirma ni Ateneo de Davao Head Coach Jess Evangelista na apat na basketbolista ang tuluyan nang umalis sa high school basketball program ng Ateneo de Manila University at lumipat sa De La Salle Zobel.
Sa Facebook post ni Coach Jess nitong Sabado, Hunyo 20, 2026, inihayag niya ang panibagong yugto para sa mga manlalarong sina Macky Peligrino, Matt Cayetano, JM Sanoria at Rhysus Bajentin sa paglipat nila sa La Salle Zobel.
"It is with great pride and gratitude that I finally confirm that our boys will be joining La Salle Zobel as they begin an exciting new chapter in their basketball and academic journey," ani Coach Jess.
Nagpasalamat din siya sa La Salle Zobel sa pagtanggap umano sa nasabing mga basketbolista.
"We are truly thankful to La Salle Zobel for opening its doors and providing them with the opportunity to grow not only as athletes, but also as students and young men of character. Your trust and belief in their potential mean so much to all of us," saad pa ni Coach Jess.
Nakumpirma ang paglipat nina Peligrino, Cayetano, Sanoria at Bajentin, ilang linggo matapos ang kontrobersyal na pagkasawi ng kanilang teammate na sina Rene Baterbonia at Divine Adili habang nasa training camp.
Noong Hunyo 8, sumiklab sa mga balita ang nangyaring trahedya kay Baterbonia kasama ang isa pang kapwa Atenista at Nigerian national na si Divine Adili na nalunod sa Dipaculao, Aurora.
Si Baterbonia ay ni-recruit ng Ateneo de Manila University at kararating lamang ng Maynila noong Hunyo 4 bago nangyari ang aksidente.
Ayon sa imbestigasyon, nagsagawa noon ng team building ang Ateneo Blue Eagles bilang parte ng kanilang routine drills sa paghahanda ng koponan sa mga nakatakda sana nilang lalabanang liga.
MAKI-BALITA: ADMU Pres. Fr. Roberto Yap nagsalita; 'fact-finding' sa pagpanaw ng 2 atleta, isasagawa!