Malaking rollback ang nakaambang sumalubong sa mga motorista sa susunod na linggo.
Batay sa pinakahuling pagtataya ng isang source mula sa industriya ng langis, maaaring bumaba ng ₱9 hanggang ₱11 kada litro ang presyo ng diesel habang nasa ₱4 hanggang ₱6 kada litro naman ang posibleng bawas sa gasolina.
Kung maisasakatuparan, mas mataas ito kaysa sa naunang projection ng Department of Energy (DOE), na nagtakda ng rollback estimate na ₱8 hanggang ₱10 kada litro para sa diesel at ₱4 hanggang ₱5 kada litro para sa gasolina. Inaasahan din ng ahensya ang pagbaba ng presyo ng kerosene ng P9 hanggang ₱11 kada litro.
Samantala, isa pang industry source ang nagbigay ng pagtataya na nananatiling pasok sa forecast ng DOE. Ayon dito, maaaring bumaba ang diesel ng ₱8.85 hanggang ₱9.90 kada litro habang nasa ₱4.03 hanggang ₱4.88 kada litro naman ang rollback sa gasolina.
Iniuugnay ang inaasahang pagbaba ng presyo ng langis sa pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos ang mga hakbang na isinusulong ng magkabilang panig upang mabawasan ang sigalot sa Gitnang Silangan.
Gayunman, sinabi ng mga eksperto na bagama’t makapagbibigay ng ginhawa ang rollback sa mga motorista at sektor ng transportasyon, nananatili pa ring mataas ang kasalukuyang presyo ng mga produktong petrolyo kumpara sa antas nito bago sumiklab ang tensyon sa rehiyon noong Pebrero.
Ayon sa DOE, nasa pagitan pa rin ng ₱70 hanggang ₱80 kada litro ang presyo ng mga pangunahing produktong petrolyo sa kasalukuyan. Bago magsimula ang kaguluhan sa Gitnang Silangan, nasa ₱50 hanggang ₱60 kada litro lamang ang mga ito.
Nagkaroon ng positibong reaksiyon ang merkado matapos lagdaan nina US President Donald Trump at Iran President Masoud Pezeshkian ang isang memorandum of understanding na naglalayong wakasan ang alitan sa rehiyon.
Gayunpaman, nananatili ang pangamba ng mga analyst kung magiging pangmatagalan ang umiiral na tigil-putukan at kung tuluyan nang maiiwasan ang panibagong paglala ng sigalot na maaaring muling magpataas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.