Ipinatitigil ng Korte Suprema ang operasyon ng online motorcycle passenger service na Angkas sa inilabas nitong temporary restraining order (TRO) nitong nakaraang linggo, na kahapon lang isinapubliko.

Kinatigan ng Supreme Court (SC) ang hiling na TRO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na nais pakuhanin muna ng prangkisa sa Kongreso ang Angkas.

“The Court, without necessarily giving due course thereto, resolves to issue a temporary restraining order, effective immediately and continuing until further orders from this Court, enjoining public respondent Judge Carlos A. Valenzuela, RTC, Br.213, Mandaluyong City, the private respondent (DBDOYC Inc.), their agents, representatives and anyone acting on their behalf, from implementing the assailed RTC Order dated 20 August 2018,” saad sa resolusyon.

Sa pamamagitan ng TRO, ipinahihinto ng SC ang pagpapatupad ng writ of preliminary injunction na inilabas ng Mandaluyong City RTC sa kasong DBDOYC, Inc, “Angkas” online operator.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

Dahil dito, maaari na muling hulihin ng LTFRB ang mga Angkas riders na magsasakay ng mga pasahero.

Nobyembre 2017 nang boluntaryong sinuspinde ng Angkas ang operasyon nito sa Metro Manila makaraang igiit ng LTFRB na nilalabag nito ang RA 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.

Ipinasara rin ng LTFRB at ng pamahalaang lungsod ng Makati ang training center nito.

Ngunit nong Agosto, naglabas ng injunction ang Mandaluyong City RTC na nagpapahintulot sa Angkas na ipagpatuloy ang operasyon nito.

Samantala, ikinatuwa naman ng LTFRB ang TRO ng SC, at muling nanindigan na hindi ligtas kaya hindi maaaring maging pampasahero ang mga motorsiklo.

Sa paglabas ng TRO, maglalabas ang LTFRB ng resolusyon sa nag-uutos sa mga enforcer “[to] cease and desist their (Angkas) service to avoid apprehension.”

Dismayado naman ang mga Angkas rider sa TRO ng SC.

“Kung sakaling mawala po ulit ‘yung Angkas sa daanan, sa kalsada, maraming mawawalan ng trabaho at saka hanapbuhay. Unang-una ‘yung mga pangangailangan sa pamilya, pagkain, sa pag-aaral ng anak, at saka pambayad sa tubig at ilaw,” sabi ni Froilan Morado, full-time Angkas biker.

-Rey G. Panaligan at Alexandria Dennise San Juan