Binalaan ni Pangulong Duterte ang mga sundalo at pulis na huwag ikampanya ang sinumang kandidato sa mid-term elections sa Mayo 13, 2019.
Iginiit ni Duterte na kahit pa ang kandidatong inendorso niya ay hindi dapat ipangampanya ng mga pulis at sundalo.
Bukod dito, binalaan din ng Presidente ang mga sundalo at pulis na, kasama ang mga kandidato at mga tagasuporta ng mga ito, ay huwag na huwag mananakot ng mga botante.
Aniya, kapag nabalitaan niyang nangyari ito ay siya mismo ang makikipagtuos at aaresto sa mga pulis, sundalo o kandidatong nanakot sa mga botante.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ni Pangulong Duterte sa militar at pulisya na hanggang dalawang security escort lang ang puwedeng ibigay sa kandidatong nangangailangan nito, dahil ang hihigit sa dalawa ay maituturing na aniyang private armed group (PAG), at labag ito sa batas.
Samantala, pinangunahan ni Pangulong Duterte nitong Lunes ang pamamahagi ng paunang 500 housing units para sa mga sundalo at pulis sa San Miguel, Bulacan.
-Beth Camia