Pinayuhan ng isang obispong Katoliko si Pangulong Duterte na huwag maging balat-sibuyas, at matutuhang tanggapin ang mga puna at batikos sa kanyang pamumuno, dahil para naman ito sa ikabubuti ng mamamayan.

Ayon kay Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez, ginagawa lang ng mamamayan ang pamumuna sa pamamahala ng gobyerno upang maiwasto ang mga hindi tama.

Hindi rin, aniya, dapat na masamain ng pamahalaan at mga nanunungkulan ang mga puna ng mamamayan dahil ipinakikita lang dito ang tunay na kalagayan ng pamayanan na mahalagang bigyang-pansin.

“Sana ang gobyerno ay magkaroon din ng tamang pagtanggap ng mga reaksiyon, kahit na mga negative reaction, upang maiwasto kung ano ang hindi tama,” sinabi ni Iñiguez sa panayam ng Radio Veritas.

Paliwanag pa ng obispo, dapat alamin ng mga namumuno ang mga aktuwal na nangyayari sa bayan at matutong timbangin ang mga isyu upang magkaroon ng wastong pagbalanse sa magiging tugon sa ikalulutas ng mga problema.

#WalangPasok: Class suspensions ngayong July 10

Nabatid na napabilang si Iñiguez sa listahang inilabas sa social media ni dating Davao City Mayor Paolo Duterte ng mga may plano umanong patalsikin si Pangulong Duterte sa puwesto, dahil sa ilang pahayag ng obispo laban sa pamahalaan, subalit nauunawaan daw ito ni Iñiguez.

“I can understand, kasi minsan na-interview ako ng media, may nasasabi akong mga reaction at hindi naman lahat ng reaction ko ay pabor. Kung minsan nakapagbibitiw din ako ng mga hindi pabor sa gobyerno, kasi sa katunayan we are just observing, sinasabi namin ‘yung nasa kalooban namin na maaaring siya ang katotohanan na dapat umiral,” sabi ni Iñiguez.

Kasama rin sa nasabing listahan ng nakababatang Duterte sina Caloocan Bishop at Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Vice President Pablo Virgilio David, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Novaliches Bishop Antonio Tobias, San Pablo Bishop Emeritus Leo Drona, Bishop Julio Labayen (na namayapa noong Abril 2016), at isang Bishop Arturo Santos, na wala sa opisyal na tala ng mga obispo sa Pilipinas.

-Mary Ann Santiago