Ngayong Huwebes, o bukas, ay inaasahang ihahayag ni Pangulong Duterte ang desisyon niya kung tatapusin na o muling palalawigin ang martial law sa Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kaagad na isasapubliko ng Pangulo ang desisyon nito kapag natapos na nitong pag-aralan ang rekomendasyon ng militar at pulisya na palawigin pa ang martial law sa Mindanao, na epektibo hanggang Disyembre 31, 2018.
“He will announce his decision today or tomorrow. He is still studying. Wait for the announcement,” ani Panelo.
Matatandaang idineklara ang martial law sa Mindanao noong Mayo 23, 2017, ilang oras makaraang salakayin ng Maute-ISIS ang Marawi City, Lanao del Sur.
Inaprubahan naman ng Kongreso ang hiling ni Duterte na palawigin ang batas militar sa Mindanao hanggang sa huling araw ng 2018.
Una nang inihayag ng Malacañang na malaki ang posibilidad na katigan ni Duterte ang rekomendasyong palawigin uli ang martial law sa Mindanao.
-Genalyn D. Kabiling