May 28, 2026

Home BALITA

DLSU umapela sa pagpanumbalik ng tiwala, dignidad sa Senado

DLSU umapela sa pagpanumbalik ng tiwala, dignidad sa Senado
Photo courtesy: via MB


Ipinanawagan ng De La Salle University (DLSU) ang pagpapanumbalik sa tiwala at pagpapanatili ng dignidad sa Senado, kasunod ng mga naganap na kontrobersiyang kinaugnayan nito.

Kasunod ito ng mga napaulat na isyu sa mataas na kapulungan ng bansa, katulad na lamang ang naganap na putukan sa loob ng Senate premises noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13, at ang hidwaan sa pagitan ng mayorya at minorya nito.

Sa isang pahayag na ibinahagi ng mga pangulo mula sa iba’t ibang departamento ng DLSU noong Miyerkules, Mayo 27, iginiit nila ang mandato ng Senado sa Pilipinas.

“Sa kasaysayan ng ating bansa, bihira nating masaksihan ang Senado, isang institusyong pinagkakatiwalaan ng taumbayan sa paglikha ng mga batas gayondin ang pagpapanagot sa ating mga opisyal, na kasalukuyan ngayong may bahid ang katapatan at dangal,” saad nila.

Siwalat nila, sila’y nanlulumo sa mga kaganapan sa Senado, na siyang nag-uugat sa umano’y pagtatanong kung nagaganapan ba ng mga mambabatas ang kanilang tungkulin.

“Nakakapanlumo na [ang] mga kontrobersiyang bumabalot sa Senado. Dahil dito, tayo ngayon ay nagtatanong kung ginagampanan pa ba nito ang mandato nito? Mula sa paggamit ng kuwestiyonableng pagprotekta ng isa nilang kasamahang nahaharap sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan, hanggang sa karahasang naganap mismo sa loob ng Senado, at sa walang pakundangang sirkus na ipinapakita sa publiko,” anila.

“Hinahamon tayo ng ating pananampalataya na maging mga saksi sa panahong madaling piliin ang pagiging manhid at manahimik. Hindi rin nararapat na maging normal ang pagproprotekta ng institusyong ito ng pamahalaan para lamang sa iilang tao, bagkus para sa sambayanang Pilipino,” dagdag pa nila.

Giit pa nila, pagtigil sa pamumulitika at pagtatangkang kontrolin ang mga umiiral na pamantayan sa institusyon ay ang sagot upang mabalik ang tiwala sa Senado.

“Upang manumbalik ang tiwala sa Senado at mapanatili ang dignidad nito, panahon nang itigil ang pamumulitika, itigil ang mga pagtatangkang manipulahin ang mga tuntunin ng institusyon para sa pansariling interes, at ng malinaw na pag-usisa sa karahasang nagaganap sa loob nito,” giit nila.

“Magiging posible lamang ito sa pamamagitan ng malinaw at matatag na paninindigan para sa katotohanan, katarungan, at etikal na paglilingkod-bayan, mga katangiang minsang isinabuhay ng mga natatanging senador na nagbigay dangal sa kanilang tungkulin,” pagtatapos nila.

Photo courtesy: De La Salle University/FB

National

'A friend that can always count on:' PBBM, tiniyak patuloy na balikatan ng Pinas sa Japan!