Kinontra ni Sen. Risa Hontiveros ang naging paliwanag ni Sen. Robin Padilla tungkol sa "force majeure" na posibleng maging dahilan para payagan ang "remote participation" ng isang senador sa plenary session ng Senado.
Binakbakan kasi ng mga netizen ang naging paliwanag ni Padilla tungkol sa nabanggit na termino, bunga na rin ng mainit na diskusyon sa Senado sa pagbabago ng kanilang panuntunan, noong Martes, Mayo 26, na naging dahilan ng walkout ng minorya sa plenaryo.
Binanggit ni Padilla ang iba’t ibang pandaigdigang krisis tulad ng giyera sa Gitnang Silangan, terorismo, at ang posibleng pagkakadawit ng Pilipinas sa tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, na aniya, ay mga halimbawa ng "force majeure."
“War/gera/digmaan sa Gitnang Silangan na nagreresulta na ng terorismo sa iba’t ibang parte ng mundo, ang napipintong pagkakadawit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict. Hindi po ba ito force majeure?” ani Padilla.
Ipinaliwanag din ng senador ang mas malawak na kahulugan ng force majeure, na aniya’y tumutukoy sa mga pangyayaring wala sa kontrol ng isang partido gaya ng bagyo, baha, lindol, digmaan, terorismo, at iba pang emergency situations.
Binanggit din niya ang mga babala hinggil sa posibleng malakas na El Niño phenomenon sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027.
Ayon kay Padilla, inaasahang makaaapekto ang matinding El Niño sa maraming lalawigan sa bansa dahil sa mas mababang dami ng ulan at posibleng matinding tagtuyot.
“Malinaw naman po — bagyo, baha, lindol, gera, terrorismo,” dagdag pa niya.
Sa huli, tila pinatutsadahan din ng senador ang ilang kasamahan sa Senado sa pamamagitan ng tanong na, “Akala ko ba pro-active ang dating majority?”
Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang panukalang pagbabago sa Senate rules matapos mag-walk out ang minority bloc dahil sa umano’y minamadaling pag-apruba sa remote participation ng mga senador sa plenary sessions. Iginiit ng minority senators na dapat dumaan muna sa masusing deliberasyon ang naturang panukala.
Ayon kay Hontiveros, malinaw raw sa Senate Rules na pinapayagan lamang ang videoconferencing sa panahon ng force majeure o national emergency, kagaya ng nangyari noong panahon ng pandemya.
Maki-Balita: Sen. Robin, ipinaliwanag ibig sabihin ng 'force majeure;' binakbakan ng netizens!
Nakarating naman sa kaalaman ni Hontiveros ang paliwanag ni Padilla patungkol sa nabanggit na termino, at kinomentuhan.
"Naku naman, ano ba naman 'yan? With all due respect, hindi po 'yan mga force majeure. Yung gera sa Middle East, 'yan po ay nangyayari sa mga mamamayan sa ibang rehiyon at yung epektong oil crisis na 'yan..."
"Ang kinatatakutang hidwaan ng China at Taiwan, medyo matagal-tagal nang banta 'yan, hindi naman kinailangan na mag-online work. At yung global warming at climate change, ang tagal na rin."
"'Yan ay kasama sa mga issues na kailangan naming trabahuhin in person, " paliwanag ni Hontiveros.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Padilla tungkol sa pagkontra sa kaniya ni Hontiveros.