Nagpatupad ng reorganization sa mga dibisyon ng Korte Suprema si bagong Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin.
Sa kanyang special order, itinalaga ni Bersamin si Associate Justice Rosmari Carandang bilang karagdagang miyembro ng Supreme Court 3rd Division.
Miyembro rin si Carandang ng SC 2nd Division.
Kaugnay nito, inatasan ni Bersamin ang dalawang dibisyon na huwag pagsasabayin ang schedule ng kanilang sesyon para pareho itong madaluhan ni Carandang.
Mananatili naman sa kani-kanilang dibisyon ang iba pang mga mahistrado ng Korte Suprema.
Samantala, sa salu-salo kahapon sa SC, inihayag ni Bersamin na itinalaga niya bilang SC Public Information Office chief si Court Administrator Midas Marquez.
Dati nang tagapagsalita ng Korte Suprema si Marquez, sa panahon nina Chief Justices Reynato Puno at Renato Corona.
-Beth Camia