Naniniwala ang isang obispo na patuloy na binabatikos ni Pangulong Duterte ang Simbahang Katoliko upang ilihis ang atensiyon ng publiko sa mga tunay na isyung kinakaharap ng bansa.
Ito ang reaksiyon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo kaugnay ng patuloy na pagbatikos ni Duterte sa Simbahan, na nagsimula bago pa man ito maluklok sa puwesto.
Ayon kay Pabillo, kapansin-pansing binabatikos ng Pangulo ang Simbahan kapag pinupuna ng huli ang mga katiwalian sa gobyerno.
“Palagay ko ginagawa niya ‘yan dahil may mga itinatago siya na mga kapalpakan ng kanyang pamamahala. Hindi naman natutupad yung mga pangako niya,” sinabi ni Pabillo, sa panayam sa radyo.
“Para mawala ang atensiyon ng tao sa mga hindi niya nagagawa. Ang traffic natin mahirap pa rin, ang drugs problem, andiyan pa rin, kahirapan andiyan pa rin, hindi naman niya natutugunan, eh. ‘Yan dapat ang tinutugunan niya.
“So in order to divert the attention ng mga tao, maghahanap ng mga non-issue na ilalabas niya para ‘di mapag-usapan ‘yung mga hindi niya nagagawa,” sabi ni Pabillo.
Naniniwala rin naman si Pabillo na paglabag na sa “separation of church and state” ang pakikialam ng Pangulo sa mga gawain ng Simbahan.
“Isang prinsipyo na hindi pakialaman ng gobyerno ang mga simbahan, na i-treat nang may paggalang. Itong mga ginagawa ng pangulo ay nilalabag na niya ang separation ang church and state,” ani Pabillo.
Nauna rito, hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga Katoliko na itigil na ang pagpunta sa mga Simbahan para manalangin at sa halip ay magtayo na lang ng sariling kapilya sa kani-kanilang bahay upang doon magdasal.
Inakusahan din kamakailan ni Duterte ang isang obispo na opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng pagkakasangkot sa ilegal na droga at pagnanakaw mula sa donasyon ng Simbahan para umano ibigay sa pamilya nito.
-Mary Ann Santiago