May mega-rollback ang mga produktong petrolyo ngayong linggo, dahil tatapyasan ng P2 hanggang P2.10 ang kada litro ng diesel, habang P2 din ang babawasin sa gasolina at kerosene.
Una nang naghayag ng bawas-presyo ang Pilipinas Shell Petroleum Corporation at PTT Philippines, na parehong nagtapyas ng P2.10 kumpara sa binawas na P2 ng ibang kumpanya ng langis; at sinundan ang P2 rollback trend ng gasolina. Magiging epektibo ito sa ganap na 6:00 ng umaga bukas, Disyembre 4.
Bukas din magtatapyas ng P2 sa gasolina at diesel ang PetroGazz, habang inaasahan nang magsisipagpatupad din ng kaparehong rollback ang iba pang kumpanya ng langis.
Ang pagbulusok pa ng presyo ng produktong petrolyo ay epekto ng pagbaba ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.
-MYRNA M. VELASCO