Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung nagbaril sa sarili o binaril sa loob ng sasakyan ang isang matandang lalaki sa parking lot ng isang fast food chain sa Las Piñas City, kahapon ng umaga.
Dead on the spot si Joseph De Castro y Ancheta, 75, ng Moonwalk Village, Talon Singko, Las Piñas City, dahil sa tama ng bala sa tiyan.
Sa inisyal na ulat ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente sa parking lot ng fast food chain na nasa Alabang-Zapote Road, Almanza 1 sa nasabing lungsod, bandang 6:30 ng umaga.
Duguan at wala nang buhay ang biktima nang madiskubre ng guwardiyang si Diogem Ocado y David, 29, sa loob ng itim na Revo (XEZ-750).
Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng SPD, sa pangunguna ni Senior Insp. Gerald Vilar, narekober sa naturang sasakyan ang isang homemade .38 caliber snub nose Smith and Wesson na may dalawang bala, dalawang basyong bala nito, at mga personal na gamit ni De Castro.
Ayon kay Las Piñas City Police acting chief, Senior Supt. Simnar Gran, isasailalim sa paraffin test ang biktima upang matukoy kung nagbaril ito sa sarili o hindi.
-Bella Gamotea