Binatikos ng isang alyansa ng mga guro at mga nagsusulong ng wikang Filipino language ang Department of Education (DepEd) dahil sa pagpabor sa pagtatanggal ng Filipino at Panitikan bilang core courses sa curriculum sa tertiary level.

Sa inilabas na pahayag ni Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) Convenor Dr. David San Juan, mali ang naging hakbang ng DepEd kaugnay ng nasabing usapin.

Ang panitikan, giit niya, ay kabilang sa core course ng general education curriculum (GEC) sa kolehiyo.

Sinabi ni San Juan na kabilang ang kanilang grupo sa humihikayat sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon nito na nag-aalis sa temporary restraining order (TRO) sa naging memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang mga core courses sa kolehiyo.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

Matatandaang umani ng negatibong reaksiyon ang Kataas-taasang Hukuman mula sa mga netizen at sa mga sumusuporta sa Filipino language dahil sa naging pasya nito.

Binigyang-diin din ni San Juan na aabot sa 10,000 guro ang mawawalan ng trabaho dahil dito.

Nauna nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na maaaring mag-apply sa kanila (DepEd) ang mga gurong inaaasahang mawawalan ng trabaho ngayong hindi na ituturo ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

“May mali talaga sa stand [ni Briones] todo-suporta siya sa pagpatay ng Filipino at Panitikan at pinapalipat pa nga niya sa basic education ang mga matatanggalan ng trabaho sa college,” ayon pa kay San Juan.

Iginiit din ni San Juan na dapat na mag-“apologize” si Briones dahil sa pagsuporta ng kalihim sa hindi paninindigan sa pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo “otherwise, this will be related to the foreign language elective program of DepEd.”

Kasabay nito, binira rin ni San Juan ang pagkakasama ng mga dayuhang lengguwahe sa basic curriculum, partikular na ang Korean language.

-Merlina Hernando-Malipot