Nangangamba si Senador Risa Hontiveros sa pagdami pa ng bilang ng extra-judicial killings (EJKs) sakaling ipilit ng Philippine National Police (PNP) ang pagbuhay sa ‘Alsa-Masa’.
Ang ‘Alsa-Masa’ ay binuo noong dekada ‘80 sa ilalim ng diktadurya, na nakilala sa pagiging brutal na mamamatay-tao sa mga pinaghihinalaang kaaway ng estado.
“For the Philippine National Police to draw inspiration from this group to allegedly deepen its relationship with the communities and augment its anti-drug campaign is not only foolish, it is tacit approval of the group’s atrocious legacy and an invitation to more extrajudicial killings,” babala ng senadora.
Aniya, higit na madudumihan ang imahen ng PNP kapag ipipilit ito.
Iginiit din ni Hontiveros na Alsa-Masa rin ang ginamit ng Marcos government para puksain ang mga hinihinalang kaaway ng estado.
“Ang Alsa Masa noong dekada 1980 ay naging bantog sa malawakang paglabag sa mga karapatang-pantao, laganap na kalupitan, at pag-abuso sa lahat sa ngalan ng anti-komunismo at batas at kaayusan. Nakatatakot na binibigyan ang mga masasama at mapang-abusong pulis nang higit pang mga ngipin upang manggahasa, pumatay, at gumawa ng krimen laban sa mga hindi-armadong mamamayan,” aniya.
Kaugnay nito, nanawagan din ang senador sa PNP na pag-aralan nang husto ang hakbang na ito dahil maaari lamang umano itong gamiting sangkap sa paggawa ng kasamaan.
-Leonel M. Abasola