Tigok ang mag-asawa habang sugatan ang kanilang anak nang pagbabarilin at holdapin ng riding-in-tandem sa Barangay Sto. Domingo, Alicia, Isabela, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Supt. Mariano Rodriguez, Isabela Police Provincial director, ang mga nasawi na sina Arnold Salvatierra, 47; at Rita Salvatierra, 44, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Isinugod naman sa ospital ang anak nilang si Roland, 8.
Sa imbestigasyon, pauwi na ang mga biktima mula sa pagde-deliver ng itik sa San Mateo at binabagtas ang barangay road, sakay sa kanilang multicab van, nang maganap ang insidente, dakong 9:20 ng gabi.
Bigla na lamang pinagbabaril ang mga biktima ng dalawang lalaking naka-motorsiklo, na nag-overtake sa kanila.
Matapos ang pamamaril, nilimas ng mga suspek ang hindi pa matiyak na halaga ng pera ng mga biktima saka tumakas.
-Liezle Basa Iñigo