Iginiit ni Senator Leila de lima ang imbestigasyon sa sex-for-freedom o palit-puri na ginagawa ng ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP), makaraang sunud-sunod na lumantad ang mga biktima ng umano’y paghingi ng pulis ng pabor sa mga kaanak ng kanilang mga nahuli kapalit ng kalayaan ng mga ito.
Sa kanyang Senate Resolution No. 930, hiniling ni de Lima sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na imbestigahan ito.
Naniniwala rin si de Lima na may mga kapareho pang kaso pero maaaring natatakot lumantad ang mga biktima para magsampa ng kaso laban sa mga pulis.
Una nang napaulat na ginahasa ng isang pulis-Maynila ang isang 15- anyos na dalagita kapalit ng kalayaan ng mga magulang nito, na inakusahang nagbebenta ng droga sa Maynila.
Makalipas ang ilang araw, dalawang pulis-Quezon City naman ang naaresto makaraang halayin umano sa mobile car ang isang ginang na nahuling nagsusugal.
“The alarming reports of women and children having suffered in the hands of state actors must be resolved speedily, for demanding sexual favors in exchange for one’s freedom is a gross manifestation of abuse of power that must not be tolerated by the government,” ani de Lima.
-Leonel M. Abasola