Tinatayang aabot sa 1,500 traffic auxiliary ang itatalaga ng Metropolitan Development Authority (MMDA) at mga local government unit (LGU) sa bawat lungsod sa Metro Manila.
Ito ang inihayag kahapon ni MMDA Special Task Force Operations Unit Commander Bong Nebrija.
Sinabi ni Nebrija na aabot sa 80 traffic auxiliary ang itatalaga sa bawat lungsod, partikular na sa mga kritikal na lugar, katulad ng national road at sa Mabuhay Lanes, simula sa Biyernes, Nobyembre 16.
Aniya, bahagi ito ng paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga motorista sa lansangan patungo sa mga shopping mall para sa Christmas rush.
Target din ng MMDA na panatilihin ang pagmamando ng trapiko sa mga main intersection at sa Mabuhay Lanes.
Itatalaga ang mga traffic auxiliary sa tulong ng mga lokal na pamahalaan upang maging maayos ang daloy ng trapiko sa mga alternatibong ruta, na sakop ng mga lokal na pamahalaan.
Paglilinaw ni Nebrija, may kapangyarihan ang mga traffic auxiliary na mag-isyu ng citation tickets sa mga lumalabag sa batas trapiko.
-Bella Gamotea